Logging operations na naging sanhi umano ng flashfloods sa Zamboanga del Norte, iniimbestigahan na ng DENR

by Radyo La Verdad | January 10, 2018 (Wednesday) | 6137

Nagpadala na ng isang grupo ang DENR para mag-imbestiga sa umano’y logging operations sa Zamboaga del Norte.

Sa video na kuha ni Agriculture Secretary Manny Piñol, may malawakang pagputol umano ng puno sa mga kabundukan sa lugar na siyang dahilan ng mga pagbaha at landslide ng manalasa ang bagyong Vinta.

Napanood ito ng Pangulong Duterte sa cabinet meeting noong Lunes kaya’t ipinagutos agad ang pagpapatigil sa umano’y logging operation.

Ayon naman kay DENR Region 9 Director Felix Mirasol Jr., sinuspinde na nila ang operation ng South Davao Development Corporation Incorporated o SODACO sa lugar.

Batay sa Integrated Forest Management Agreement ng pamahalaan at SODACO, sa loob ng 25 taon ay may karapatan ang kumpanya na magtanim at pumutol ng mga puno.

Ngunit may obligasyon din silang pangalagaan ang nasa 70 libong ektarya ng kagubatan.

Depensa naman ng SODACO, hindi marapat na ibato sa kanila ang sisi nang wala pang due process at siyentipikong pruweba.

Sa loob anila ng labing isang taon ay ngayon lamang nagkaroong ng ganoon kalaking pagbaha at landslide sa lugar.

Sa katunayan anila ay nagbigay pa ng babala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA bago manalasa ang bagyong Vinta lalo na at ang mga bayan ng Siwarai, Siocon at Sibuco ay mga flood prone area.

Gayunpaman ay nakahanda anila sila sa imbestigasyong gagawin ng DENR.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,