METRO MANILA – Prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buhay ng mga kababayan natin sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ang giit ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr sa ginawang muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine O ECQ sa national capital region.
Ginawa ng opisyal ang pahayag sa kaniyang mensahe para sa International Humanitarian Law Day.
“We are again locked up in another enhanced community quarantine. That or we sicken and die. The imperative of repeated lockdowns is killing business but no choice. It’s business or our people. And for this president, people always come first” ani Sec. Teodoro Locsin.
Tatagal ang ECQ Sa kapitolyo hanggang August 20 at tiniyak ng palasyo na ibabatay ang susunod na quarantine status ng metro manila sa datos ng COVID-19 situation at health care utilization rate.
Sa kasalukuyan, nakapagtatala pa rin ang NCR ng mataas na daily covid-19 new cases sa ikalawang linggo ng ECQ reimposition.
Samantala, ibinalik naman ang ECQ status sa probinsya ng Laguna hanggang August 20, 2021.
Ito ang rekomendasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Layon nitong mapabagal ang surge ng COVID-19 cases at pagkalat ng mas nakahahawang variants gayundin ang mapaigting ang health system sa probinsya.
(Rosalie Coz | UNTV News)