Matapos ang makasunod na linggong dagdag-singil sa presyo ng mga produktong petrolyo, nagpatupad naman ang mga oil company ng rollback.
Paliwanag ni Rodela Romero, Assistant Director ng DOE-Oil Industry Management Bureau, bumaba ang presyo ng langis dahil pagbaba rin ng demand o pangangailangan ng iba’t ibang bansa.
“Nagkaroon pa rin ng intermittent lockdown ang bansang China. Eh alam naman natin na malaking consumer na bansa ng petroleum products ang China. So, dahil bumaba ang demand nila, but at the same time, yun pa ring mga increases sa interest rate na ipinatupad ng America,” ani Rodela Romero, Assistant Director of the DOE-Oil Industry Management Bureau.
Hindi pa matiyak ng DOE kung magtutuloy-tuloy ang rollback sa mga susunod na araw. Ngunit sa forecast o pagtaya ng S&P Global Commodity Insights na bababa ang presyo ng langis sa huling quarter ng taon.
Sa kabila nito, tuloy ang mga transport group sa pagsusulong ng kanilang mga petisyon para sa dagdag pasahe.
Ayon kay LTFRB Chairperson Cheloy Garafil, halos lahat ng mga public utility vehicle ay nagsumite ng petisyon.
“Mayroon tayong seven na pending cases for fare hikes in LTFRB. This is from the different denominations ng ating PUVs. Mayroon tayong fare rate hike petitions from the TNVS, from the taxi operators, from the buses, from the jeepneys , mayroon din P2P. So, halos lahat mayroon na—may UV express din. So, halos lahat mayroon nang fare hike petition. Although, many of them at different stages of hearing,” ayon kay Cheloy Garafil, Chairperson, LTFRB.
Inaasahan na maglalabas na rin ng desisyon ang LTFRB kaugnay sa petisyon na dagdag pasahe sa mga jeep ngayong linggo.
(Asher Cadapan, Jr. | UNTV News)
Tags: Department of Energy, DOE-Oil Industry Management Bureau