Muling binigyang diin ngayon ng Department of Science and Technology ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Pilipinas ng sariling produksyon ng mga bakuna hindi lamang ang panlaban sa Covid-19 kundi maging sa iba pang sakit.
Kaya naman para sa DOST, kinakailangan nang maibalik ang local production manufacturing ng mga bakuna dito sa bansa, upang hindi na tayo umasa sa suplay na aangkatin mula pa sa ibang mga bansa.
“Kailangang kailangan natin na magkaroon ng self sufficiency sa bakuna, tayo ay nagsimula dito noong araw pa dapat na nating i-revive at ituloy, as early as 1950 gumagawa na ng bakuna sa VCG pati yung mga serum sa bakuna para sa anti-rabies, natigil lang”, ani Sec. Fortunato dela Peña, Deptpartment of Science and Technology.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato dela Peña, mas makakabuti kung magiging self-sufficient ang bansa pagdating sa suplay ng gamot at bakuna, lalo’t may kapasidad at sapat na kasanayan naman ang ating mga eksperto.
“Kailangan na nating buhayin ito at palakasin dahil hindi naman tayo pwedeng mahuli, may kakayahan tayo basta meron tayong determinasyon kaya itong dalawang batas na nakasalang ngayon sa kongreso ang Center for Disease Control at ang Virology and Vaccine Institute of the Philippines ay maisabatas at mai-implement na nga”, dsagdag pa ni Sec. Fortunato dela Peña.
Dati nang isinusulong ang panukalang batas na magtatatag ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines, na naglalayong magkaroon ng isang sangay ng pamahalaan na siyang tututok sa pagaaral sa mga virus at paglikha ng mga gamot at bakuna pangontra dito.
Batay sa naunang roadmap ng DOST, ngayong 2022 inaasahan sana na makapagpo-produce na ang bansa ng locally made na bakuna.
Sa ngayon, lahat ng supply ng Covid-19 vaccines na ginagamit sa immunization program ng pamahalaan ay pawang binibili ng pamahalaan mula sa ibang mga bansa.
Para naman sa adviser ng national task force against Covid-19 na si Doctor Ted Herbosa, malaking tulong kung may locally-made vaccines ang Pilipinas upang hindi na iasa sa ibang mga bansa ang pagkakaroon ng suplay, na kung minsan ay nagiging sanhi ng delay sa vaccination roll-out.
“During the pandemic itself, nahirapan tayo mag-source ng vaccines because the vaccines na pino-produce ng ibang countries ay ginagamit din nila so hindi pa nila maibenta at maiexport sa atin so medyo naantala yung vaccine program natin, so talagang nakita natin na part of national security na mayroon tayong virology institute at vaccine manufacturing,” pahayag ni Dr. Ted Herbosa, Medical Adviser, NTFAC.
Paliwanag naman ng Department of Health magiging bagay sa mga local pharmaceuticals ang ganitong proyekto.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mas magiging competitive ang merkado ng mga pharmaceutical manufacturers at mapapataas ang demand sa local production ng mga gamot at bakuna.
Sa ngayon hinihintay pa ng pamahalaa na maipasa ng kongreso ang panukalang batas para masimulan ang pagpagkakaroon ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines maging ang panukalang pagkakaroon ng ng central disease control ng Pilipinas.
Ayon kay Usec. Orville Ballitoc ng Presidential Legislative Assistant, nakapasa na ang mga ito sa ikatlong pagbasa sa mababang kapulungan ng kongreso pero hinihintay pa kung maaprubahan na rin sa Senado.
JP Nuñez | UNTV News
Tags: COVID-19 Vaccine, DOH, DOST, Local vaccine