Local Chief Executives, binalaang mahaharap sa reklamo kung di ipatutupad ang mass gathering restrictions

by Erika Endraca | May 10, 2021 (Monday) | 5459

METRO MANILA – Nagbigay ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local chief executives na ipatupad ang pagbabawal o limitasyon sa mass gathering sa iba’t ibang klasipikasyon ng community quarantine sa bansa, sa layuning mapangalaagaan ang public health at safety.

Kung papalyang maipatupad ito, posibleng maharap sila sa parusa dahil sa pagpapabaya sa pagganap ng tungkulin.

Sa pahayag ni Interior Secretary Eduardo Ano, maaaring sampahan ng administrative complaint o criminal case ang mga iresponsableng lider ng lokal na pamahalaan.

Aniya, may importanteng tungkuling ginagampanan ang mga Local Government Units (LGUs) sa pagpapatupad ng regulasyon laban sa mass gatherings at kinakailangang i-adopt at sundin ang guidelines at mga polisiya ng Inter-Agency Task Force.

Inatasan din ni Año ang Philippine National Police (PNP) na istriktong ipatupad ang mga polisiya ng IATF laban sa mass gatherings.

Maaari namang magsumbong o maghain ng reklamo ang mga mamamayan sa local DILG regional offices kung di maipatutupad ang mass gathering regulations sa pamamagitan ng email sa dilgeoc.complaint@gmail.com at numero ng telepono 02-8876-3454 local 881 hanggang 884.

Sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), maaari ang religious gatherings subalit limitado lamang sa 10% ng venue capacity at bawal ang gatherings sa labas ng residences.

Sa ilalim naman ng General Community Quarantine (GCQ), pwede rin ang religious gatherings subalit limitado lamang sa 30-% ng venue capacity at bawal pa rin ang gatherings sa labas ng residences liban sa mga pinahihintulutan.

Samantalang sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) naman, maaari ang gatherings hanggang 50% ng seating o venue capacity subalit ipatutupad ng mahigpit ang minimum public health standards.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , ,