Livestock industry sa bansa, dapat tutukan upang mas maging competitive-Sen. Villar

by Radyo La Verdad | December 1, 2015 (Tuesday) | 1526

JAPHET_SEN.VILLAR
Dapat matutukan ang industriya ng paghahayupan sa bansa upang mapa-angat ang kalidad ng mga produkto at matulungan ang maliliit na livestock raisers.

Ito ang naging pahayag ni Senate Committee on Agriculture and Food Committee Chairperson Cynthia Villar sa kanyang pagbisita sa Native Swine and Poultry Research and Development Center sa Barangay Lagalag,Tiaong, Quezon kahapon.

Ayon kay Sen.Villar, malaki ang potensyal ng livestock industry sa bansa kaya dapat itong bigyan ng prayoridad upang matulungang kumita ang maliliit na livestock raisers at maging competitive kapag fully integrated na ang Pilipinas sa Asean Economic Communities sa 2016.

Kailangan ring maturuan ang native poultry at hog raisers ng pagtatanim ng mga halamang maaari nilang ipakain sa mga alagang hayop upang mabawasan ang kanilang gastusin.

Ang Quezon ay isa sa mga nangunguna pagdating sa produksyon ng mga native na baboy.

Bawat taon, umaabot sa anim napung libong native swines ang dinadala at ibinibenta sa Metro Manila.

Samantala, isinusulong rin ni Sen. Villar ang paggamit ng mga magsasaka at livestock raisers ng mga makabagong mekanismo upang mas mapadali ang trabaho at pag-proseso sa kanilang mga produkto.

Bukod sa pagpapatupad ng mga programang magpapalakas sa livestock industry, kailangan ring mabago ang pananaw at ugali ng ilang Pilipino na nagnanais ng agarang pag-asenso dahil ang tagumpay ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng tiyaga at sipag.(Japhet Cablaida/UNTV Correspondent)

Tags: ,