Livestock development program, makakatulong sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin – NEDA

by Radyo La Verdad | February 10, 2022 (Thursday) | 496

METRO MANILA – Patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang pagpapalakas ng livestock industry sa bansa upang mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).

Ani Socieconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, bukod sa pagpapalawig ng Executive Order Nos. 133 and 134 na naglalayong pataasin pa ang local supply at siguraduhin ang regular na pagbabawas ng stocks, ipinanawagan din nila ang pagpasa ng panukalang Livestock Development and Competitiveness (LDC) Bill upang palakasin ang produksyon sa livestock sector at value chain ng bansa.

Kaugnay ito ng inilabas na ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan kinakitaan ng pagbaba sa inflation rate ng bansa base sa naitalang 3.0% nitong January 2022 mula sa 3.2% noong December 2021.

Bagama’t bumagsak ang inflation rate sa presyo ng mga karne sa 6.2% mula sa 10.8% noong Disyembre ay nanatili pa rin sa 1.6% ang food inflation dahil sa pagtaas ng corn inflation.

Mas tumaas pa sa 27.7% ang corn inflation nitong January mula sa 16.5% noong December. Patunay na nangangailangan ito ng komprehensibong reporma para na rin sa kabuuang livestock value chain.

Dagdag pa ni Secretary Chua, isa sa mga pangunahing probisyon ng LDC Bill ay ang pagsasayos ng corn industry roadmap kasabay ng paglalaan ng pondo dito na pakikinabangan rin ng mga magsasaka bilang ang mais rin ang ginagamit na animal feeds sa livestock, poultry at fish farms.

Dagdag pa ng kalihim, makakatulong ito upang kalauna’y mapababa rin ang fish inflation sa bansa na nananatiling nasa 6.2% nitong January.

Sa kabuuan, nakapagtala ng 3.9% inflation rate sa bansa nitong 2021 na nanatiling nasa target range pa rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)