Listahan ng mga paputok at pailaw na bawal gamitin, inilabas ng PNP

by Radyo La Verdad | November 22, 2017 (Wednesday) | 7096

Enero ngayong taon nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 28, ito ang nagreregulate sa paggamit ng firecrackers o paputok at pyrotechnic o pailaw sa buong bansa.

Nakasaad sa EO 28 na lahat ng pinapahintulutang paputok ay maaari lamang gamitin sa designated firework display area na itinalaga ng local government unit.

Habang ang mga pinapahintulutang pailaw naman ay maaaring gamitin sa labas ng firework designated area. Kaya sa pagpasok ng holiday season, mahigpit na babantayan ng Philippine National Police o PNP ang pagpapatupad nito

Kaugnay nito ay inilabas na ng pambansang pulisya ang listahan ng mga ipinagbabawal na paputok. Ang mga ito ay ang mga mayroong pulbura na hihigit sa point 2 grams o katumbas ng 1.3 na kutsaritang gun powder.

Kabilang dito ang super lolo, whistlebomb, goodbye earth, atomic big triangulo, piccolo, judahs belt at iba pang malalakas na paputok na inaangkat pa sa ibang bansa. Bawal rin ang mga paputok na may mga kemikal na makakasama sa kalusugan gaya ng watusi.

Magiging mahigpit ang Philippine National Police sa pagpapatupad ng Executive Order No. 28 na epektibo na ngayong taon.

Samantala, ilang LGU naman sa buong bansa ang naglabas na ng ordinansa na nagbabawal na magpaputok sa mga pampublikong lugar gaya ng Quezon City at Las Piñas.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,