Listahan ng mga pangalan ng umano’y protektor ng mga colorum na sasakyan, ilalabas ng LTFRB

by Radyo La Verdad | July 7, 2016 (Thursday) | 1631

JOAN_DELGRA
Matapos pangalanan ni President Rodrigo Duterte ang limang heneral ng Philippine National Police na sangkot sa droga nakahanda rin si Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Atty.Martin Delgra na ilabas ang listahan ng mga pangalan ng mga protektor ng mga colorum na sasakyan.

Isa sa mga kampanya ni Delgra ay ang pagsugpo sa korapsyon sa ahensya.

Kaninang umaga, isang surprise massive anti-colorum operation ang isinagawa sa magkakahiwalay na lugar sa buong Metro Manila.

Simula ngayong araw ay mas lalong paiigitingin at palalawakin ng LTFRB ang kanilang kampanya laban sa mga kolorum na sasakyan, subalit ayon sa LTFRB hindi nila kayang magisa kung kaya kakailanganin nila ang tulong mula sa Metro Manila Development Autority at PNP- Highway Patrol Group.

Karamihan sa mga nahuli ay mga colorum na van na nagsasakay ng pasahero sa Bulacan papuntang Maynila.

Ikinatwiran naman ng ibang driver na magkakasama sila sa subdivision at inihahatid nya lamang ang mga ito sa Maynila.

Huli rin ang isang pulis na nangongolorum, kinilala itong si PO1 Divino Darwin ng Makati City Police.

Puno ng pasahero ang kanyang van ay nakita pa sa sasakyan nito ang kanyang uniporme.

Ang inter-agency operation ay alinsunod sa joint administrative order ng Department of Transportation na nagpapataw ng mas mataas na multa sa mga colorum na sasakyan.

Ang isang colorum na bus ay may multang isang milyong piso, ang van ay two hundred thousand pesos, ang jeep ay fifty thousand pesos at ang sedan na taxi ay one hundred twenty thousand pesos.

Lahat ng mga mahuhuling colorum na sasakyan ay dadalhin sa impounding area ng LTFRB sa Taytay, Rizal.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,