Listahan ng mga opisyal na kandidato para sa May 2019 midterm elections, ilalabas na ngayong linggo

by Radyo La Verdad | December 17, 2018 (Monday) | 13274

Ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang paglalabas sana ng listahan ng mga official candidate para sa 2019 midterm elections noong Sabado.

Ayon sa poll body, ito ay dahil may mga petisyon pa silang nireresolba. Kabilang dito ay ang isyu sa candidacy ni Sen. Koko Pimentel III.

Inilalaban umano ng ilang petitioner na hindi na maaaring tumakbo sa darating na halalan ang mambabatas dahil nauna na aniya itong nailuklok taong 2011 at muling nanalo ng taong 2013 bilang senador.

Ayon naman sa Comelec Campaign Finance Office, may petisyon din upang mapatawan ng “perpetual disqualification” si former Sen. Sergio Osmena III dahil dalawang beses na umano itong hindi nag-deklara ng kaniyang campaign expenses.

Nireresolba rin ng Comelec ang petisyon laban kina former Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano at asawa nitong si Lany dahil sa parehas na tatakbo bilang kongresista sa dalawang magkahiwalay na distrito ng Taguig.

Ngunit tinitiyak ng poll body na ngayong linggo ay isasapubliko na nila ang official list of candidates at sinabing malinis at nasala na ito ng mabuti.

Tinatayang nasa 34,000 ang nagsumite ng kanilang COC upang mailuklok sa 18,094 na mga posisyon sa Mayo.

Nakapagtala naman ang Comelec Law Department ng 95 nagsumite ng kanilang COC na itinuturing na “nuisance“ dahil kulang sila sa kakayahang pinansiyal upang magsagawa ng nationwide campaign.

Kabilang sa nuisance candidates ay si Conrado Generoso, kabilang na ang Katipunan’s Party senatorial slate.

Si Generoso ang nagsilbing tagapagsalita ng grupo at gumawa rin ng draft ng isang bersyon ni Pangulong Duterte na federal constitution.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent

Tags: , ,