Listahan ng mga lugar na sakop ng quarantine at controlled zone dahil sa bird flu outbreak, inilabas ng DA

by Radyo La Verdad | August 15, 2017 (Tuesday) | 3612

Umabot sa 16 na barangay ang nasakop ng 1-kilometer radius quarantine zone ng Department of Agriculture dahil sa bird flu outbreak. Syam sa mga ito ay ang barangay sa San Luis, Pampanga, apat sa Mexico at tatlo sa San Simon. Sa mga lugar na ito ay umaabot na sa halos 19 na libo ang napapatay na poultry animals upang huwag nang kumalat ang avian flu virus.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, nadelay ang kanilang operasyon sa lugar dahil natakot na mahawa ang ibang makakasama sana sa pagpatay. Subalit nadagdagan na ang kanilang tauhan kaya’t inaasahang sa Huwebes ay matatapos na nilang patayin ang nasa 200 libong poultry animals na infected ng sakit.

Pinapayuhan naman ang mga residente na nasa loob ng 7 kilometer controlled area na huwag munang katayin ang kanilang mga alaga hangga’t hindi pa naidedeklarang ligtas itong kainin. Kasama sa controlled area ang 6 na barangay sa Apalit, 8 sa Candaba, 11 sa San Fernando City at 7 naman sa Mexico.

Ayon sa kalihim, di baleng maghipit sila ng todo kaysa lumala ang situwasyon.

Nakumpirma na ng mga eksperto ng gobyerno na avian flu ang umatake sa San Luis subalit nag-negatibo ito sa “N1” na isang strain ng virus na nakakahawa sa tao.

Ang hinihintay na lamang ngayon ay ang resulta ng pagsusuri mula sa Autralia kung magpopositibo ba ito sa isa pang strain na “N6” na nakakahawa rin sa tao.

 

(Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,