Tapos na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsala sa mga kandidatong naghain ng kandidatura para sa 2019 midterm elections.
Sinabi ni Comelec Spokesperson Director James Jimenez sa programang Get it Straight with Daniel Razon na sa Sabado, ika-15 ng Disyembre ay isasa-publiko na nila ang listahan ng mga kandidatong pumasa sa requirements. Malinis na aniya ito sa mga tinatawag na “nuisance” candidate subalit may 5-10 araw ang mga hindi nakasama sa listahan na umapela.
Ayon kay Jimenez, maituturing na nuisance ang isang nag-file ng kandidatura kung hindi seryoso o gusto lamang nitong gawing katatawanan ang paghahain ng certificate of candidacy (COC).
Nuisance ding maituturing ang kawalan ng kakayahang mangampanya lalo na’t wala naman itong maipakitang network o mga koneksyon para masustinehan ang kanyang kadidatura.
Sa Enero na magsisimula ang pag-iimprenta ng mga balota at kung may maisasama man sa listahan na madi-disqualify ay otomatikong mawawalan ng saysay ang makukuha nitong boto.
Aminado naman ng Comelec na walang pangil ang kasalukuyang batas laban sa premature o maagang pangangampanya. Matagal nang umaapela sa Kongreso ang poll body na bumalangkas ng batas laban sa premature campaigning.
Sa ngayon ay may nakahain ng panukalang batas sa Senado kung saan nakasaad na maituturing ng kandidato ang isang indibidwal kapag naghain ng COC.
Samantala, iginiit naman ng Comelec na mas malinis ang automated election system kung ikukumpara sa mano-manong halalan.
Paliwanag ni Jimenez, mismong ang mga dati umanong kumukwestyon sa integridad ng automated elections ay tumatakbo narin sa halalan at patunay aniya ito na may tiwala sila sa automated polls.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )