METRO MANILA – Kani-kaniyang preparasyon na ang mga Local Government Unit (LGU) sa Metro Manila para sa nalalapit na pagsasagawa ng COVID-19 vaccination sa pediatric population.
Nasa 30,000 na mga 5 to 11 years old sa Parañaque City ang napagpalista sa online pre-registration para sa pediatric vaccination ng 5 to 11 sa unang linggo ng Pebrero.
Planong simulan ng Parañaque LGU sa ospital ng Parañaque sa District 1 at sa ospital ng Parañaque sa district 2 ang bakunahan sa 5 to 11 years old.
Sa Pateros naman, umabot na sa halos 2,000 5 to 11 years old ang nagparehistro sa kanilang online portal na binuksan noong huling linggo ng December 2021.
Ang San Juan LGU naman ay may pre-registered na mahigit sa 5,000 5 to 11 years old .
Nauna na ring naglunsad ng online pre-registration ang lungsod ng Malabon, Taguig, at Maynila .
Ang Quezon City naman magbubukas pa lang ng online portal ng pre-registration sa pamamagitan ng offial website nito o ang qcvaxeasy portal kung saan maaari nang irehistro ng mga magulang ang kanilang mga anak.
Ayon kay Dr. Maria Lourdes Eleria, coordinator ng QC Task Force Vax to Normal nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga barangay at eskwelahan para kunin ang masterlist ng mga batang edad 5 hanggang 11 sa lungsod.
Sinabi naman ni Mayor Joy Belmonte na malaking bagay din na mabakunahan ang 5 to 11 years old para mabigyan sila ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19 lalo na kung magbabalik ang face-to-face classes.
Samantala, una nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na nirereview na nito ang amendments sa Emergency Use Authorization ng Covaxin, Sinovac at Sinopharm.
Ayon kay FDA Officer in Charge Director Oscar Gutierrez, sakaling makapasa sa evaluation ay posible na ring magamit ang mga bakunang ito para sa pagbabakuna ng mga bata.
Ang Covaxin ang bakunang gawa ng Bharat Biotech mula sa india na pinagaaralang ibakuna sa 2 to 18 years old habang ang Sinopharm at Sinovac vaccines naman na parehong gawa sa China ay pinag-aaralan kung maaaring ibakuna sa mga batang 3 to 17 years old.
Sa ngayon tanging Pfizer at Moderna pa lamang ang may aprubadong EUA para maibakuna sa mga batang 12 hanggang 17 anyos.
Habang Pfizer pa lamang ang may pahintulot ng FDA para magamit sa mga batang 5 to 11 years old.
(JP Nuñez | UNTV News)
Tags: Covid-19, pediatric vaccination