Lisensya ng mahigit sa 2,000 driver sinuspinde ng LTO dahil sa sari-saring traffic violations.

by Erika Endraca | March 3, 2020 (Tuesday) | 140979

Pansamantalang hindi makakapagmaneho ang mahigit sa 2,500 mga driver matapos na isyuhan ng Land Transportation Office (LTO) ng showcause order dahil sa sari-saring traffic violation.

Ayon sa LTO, ito ang mga driver na isinumite sa kanila ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na katuwang ng ahensya sa pagbabantay at panghuhuli ng mga pasaway na motorista.

Higit 1,000 na sa mga ito ang nagpakita na sa LTO, at otomatikong kinumpiska ang lisensya.

Habang ang mga natitira ay binibigyan ng 5 araw na palugit upang isuplong ang sarili sa lto.

Pansamantalang hindi papayagan na makapagmaneho sa loob ng 90-araw ang mga driver na may show cause order.

“Kino-confiscate na namin yung drivers license hindi na makakapag maneho yan, yung pumunta sa amin kasi nakapreventive suspension po yan ng 3 months” ani Law Enforcement Service-LTO Deputy Director, Roberto Valera.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA),  90% ng mga driver na masususpinde ang lisenya ang mga tsuper ng city buses.

Dahil dito kakausapin nila ang mga bus operator hinggil sa posibleng pag-hire ng mga bagong driver upang makabiyahe pa rin ang mga bus at hindi maapektuhan ang mga pasahero.

Binigyang-diin ng MMDA na hindi nila nais pahirapan ang mga commuter, sa halip ay pinahahalagahan lamang nila ang kaligtasan ng mga pasahero.

Giit ng ahensya dapat na madisiplina ang mga pasaway na driver, upang makaiwas sa posibleng aksidente.
 

“Yan pong pagmamaneho ang inyong hanap-buhay, yan ang nagpapakain nagpapa-aral sa pamilya nyo..ingatan nyo yung trabaho nyo paano nyo iingatan?magmaneho kayo ng tama sumunod kayo sa batas trapiko..huwag nyong sisihin ang gobyerno kung kayo’y hinuhuli..ang sisihin nyo yung mga sarili nyo na mga pasaway” ani MMDA General Manager, Jose Arturo “Jojo”Garcia.

Nilinaw ng MMDA na hindi nila pinag-iinitan ang mga driver ng PUV, at nagbabalang isusunod na didisiplinahin ang mga pasaway na private car owners.

Samantala, inirekomenda na ng MMDA sa LTO na tanggalan ng lisensya ang truck driver na nakipaghabulan at tinangkang tumakas sa kanilang mga enforcer dahil sa paglabag sa truck ban.

Habang pinag-aaralan na rin ng PNP-Highway Patrol Group ang iba pang mga kaso na posibleng ihain laban sa suspek.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,