Lisensya ng driver ng Joanna Jesh bus sa viral video, sinuspinde na ng LTO

by Radyo La Verdad | February 4, 2016 (Thursday) | 1983

JOANA-JESH
Hindi na nagdalawang isip ang Land Transportation Office na suspindihin ang lisensya ng bus driver ng Joanna Jesh na nakita sa video na walang habas na sinagasaan ang mga plastic orange barrier sa Southbound o EDSA-Ayala.

Muntik na ring binangga ng Joanna Jesh bus na minamaneho ni Roel Lapid ang kaagapay na isa pang pampasaherong bus.

Napagalaman din ng LTO na tatlong beses na bumagsak sa LTO examination sa pagkuha ng lisensiya si Lapid na nag-negatibo naman sa drug test.

Paliwanag ni Roel na pinoprotekhan lamang niya ang kanyang mga pasahero dahil muntik nang bumangga ang kanilang bus sa katabing passenger bus.

Sinabi rin nitong. hindi siya tumakas dahil huminto siya sa loading area at pinuntahan kasama ang kanyang konduktor upang ibalik sa dating ayos ang mga nagkalat na plastic barrier.

Umapela rin siya sa publiko na huwag agad siyang husgahan dahil ang kaligtasan ng mga pasahero ang kanyang nasa isip ng mga sandaling iyon.

Ayon naman sa mismong operator ng Joanna Jesh, dumaan naman sa training si Lapid.

Napagalaman naman ng LTFRB na first time lamang ni Roel makapag-drive ng pampasaherong bus at dalawang linggo pa lamang ito sa trabaho

Nanganganib rin na masuspindi ang prangkisa ng Joanna Jesh kapag napatunayan na hindi maayos ang kanilang training sa mga driver

Mayroong labing pitong unit ang Joanna Jesh na bumibyahe sa FTI Taguig Navotas

Samantala, nanindigan naman ang MMDA na hindi nila tatanggalin ang mga plastic barrier

Plano pa ng MMDA na palitan ng concrete barrier ang ibang plastic barrier sa kahabaan ng EDSA

Nagtakda ng pagdinig ang LTFRB sa February 9 hinggil sa kaso ng bus driver kasama ng bus operator.

(Mon Jocson/UNTV News)

Tags: ,