Lisensya ng dalawang recruitment agency, kinansela ng POEA

by dennis | April 8, 2015 (Wednesday) | 1696

IMAGE_JULY092013_UNTV-News_POEA_HANS-LEO-CACDAC

Kinansela ng Philippine Overseas Employment Administration ang lisensya ng dalawang recruitment agency na sangkot sa pagpapadala ng isang Pinay domestic worker na biktima ng pang-aabusong seksuwal sa bansang Bahrain.

Tinukoy ni POEA administrator Hans Leo Cacdac ang dalawang recruitment agency; ang WMG International Recruitment Agency at TCI Recruitment Corporation.

Ayon kay Cacdac, ang dalawang recruitment agency ay sangkot sa modus na pag-reprocess ng mga job order kung saan ginagamit ng isang ahensya ang job order ng ibang ahensya para sa pagproseso ng mga employment document at pagpapadala ng isang overseas worker.

Napagalaman ng POEA na walang job order ang WGM Intrnational para sa pagrecruit ng mga domestic helper sa Bahrain at ang biktima ay idineploy umano ng TCI Recruitment Corporation.

Pero nang ipadala ito sa Bahrain, natuklasan ng biktima na nakasulat sa kanyang mga travel document na ang nagrecruit sa kanya ay ang TCI Recruitment Corporation at hindi ang WGM.

Sinabi Cacdac, batay sa salaysay ng biktima na hindi ito kailanman pumunta sa tanggapan ng TCI Recruitment.

Sa loob ng 16 na buwan, nagtrabaho ang biktima sa pamilya ng kanyang Bahraini employer araw-araw mula 6:00 ng umaga hanggang 1:00 ng madaling araw. Sa halip na 150 Dinars na nakalagay sa kontrata, tumatanggap lamang ito ng 80 Dinars.

Dito na rin siya nakaranas ng panggagahasa ng kanyang employer at pinagbabantaan pang ipadadala sa bilangguan kapag nagsumbong ito sa mga kinauukulan.

Bandang huli ay kinansela na rin ng Bahraini employer ang kanyang kontrata matapos malamang siya ay buntis.

Tags: , ,