Inilabas ng Malakanyang ang guidelines o mga patakaran na dapat sundin ng Armed Forces of the Philippines at National Police sa pagsupil sa anumang lawless violence.
Nilagdaan ni ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang memorandum number 3 noong September 5 upang mabigyang linaw ang mga limitasyon sa pagpapatupad nito
Nakasaad sa guidelines na dapat tiyakin ng militar at pulis na hindi malalabag ang karapatan ng mamamayan sa gitna ng mga hakbang upang masupil ang anumang banta sa seguridad
Kabilang dito ang limitasyon ng military at police checkpoint sa visual search at hindi pwede sa malawakang pagsasaliksik ng sasakyan.
Makatutulong rin aniya sa publiko kung laging magdadala ng proper identification tulad ng lisensya at vehicle registration papers.
Nakasaad din sa memorandum na walang suspensyon sa anumang civil at political rights ng mga mamamayan habang nasa ilalim ng state of national emergency ang bansa.
Hindi rin maaaring ipatupad ang warrant less arrest liban na kung ang aarestuhin ay nahuli sa aktong nakagawa, gumagawa o gagawa ng krimen o karahasan, nakatakas na preso o sinumang tumangging igiit ang kaniyang karapatan laban sa warrant less arrest.
Samantalang ang warrant less searches at seizures naman ay pwedeng gawin kung tumanggi rin ang isang tao na gamitin ang kaniyang karapatan laban dito.
Maaari ring galugarin ang isang permissible area for search matapos ang isang lawful arrest.
Ang mga sasakyang panghimpapawid, pangdagat o panglupa man ay maaari ring siyasatin kung lumabag sa immigration at customs law.
Maaari ring kumpiskahin ang mga gamit na nakikita o makakapkap ng mga otoridad na maituturing na banta sa seguridad.
Ang Department of National Defense at Department of the Interior and Local Government ang magtatalaga ng bilang ng pwersa ng militar at pulisyang kinakailangan upang tugunan ang pagsupil ng karahasan sa mindanao at iba pang bahagi ng bansa.
Kung kinakailangan, idedeploy ang AFP at PNP sa mga pampublikong lugar para paigtingin ang police at military visibility tulad sa mga mall at train stations maging sa mga pangunahing lansangan subalit hindi dapat makapagdulot ang deployment ng alarma sa publiko.
(Rosalie Coz/UNTV Radio)
Tags: warrant less arrest