Huli sa entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4 at Northern Police District ang limang miyembro ng budol-budol at dugo-dugo gang sa Maria Clara St. Caloocan City alas, dose ng tanghali kahapon. Kinilala ng mga suspek na sina Diane Crisostomo, Jhen Sanchez, Bernadeth De Guzman, Julieta Joseph at Melvin Pacia.
Ayon kay QCPD Station 4 Commander P/Supt. Rossel Cejas, humiling sa kanila ng tulong ang negosyante na si Robert Barit ng Baranggay Gulod, Novalichez, Quezon City.
Binentahan umano siya ng singsing ni alyas Harold na may diyamante na nagkakahalaga ng 15,000 piso noong ika-5 ng Disyembre.
Ngunit nang ipasuri ni Robert sa sanglaan, napag-alamang peke ang singsing. Kinabukasan, inalok naman ng suspek ang biktima ng relo na Rolex sa halagang 30,000 piso. Dito na lumapit ang biktima sa PNP at agad namang nagsagawa ng entrapment operation.
Narecover sa mga suspek ang dalawampu’t limang iba’t-ibang klase ng mamahaling relo, mga alahas at diamante, mga cellphone at pocket wi-fi at 66,000 piso na cash.
Samantala, napag-alaman ng mga pulis na sangkot rin ang mga suspek sa pambibiktima sa isang negosyante sa Novaliches noong ika-6 ng Oktubre.
Kita pa sa kuha ng CCTV kung papaano inipon ng kasangbahay ang mga alahas at salapi ng biktima, habang nakikipag-usap sa mga suspek sa telepono.
Aabot sa limang milyong piso ang kabuuang halaga ng natangay ng mga suspek.
Ayon sa PNP, nabiktima ng dugo-dugo gang ang kasambahay. Kaya payo ng PNP, turuan ang kanilang kasambahay na maging alerto at huwag basta-basta maniwala sa mga hindi kilalang tao.
Maaring maharap sa patong-patong na kaso ang mga suspek.
( Gerry Galicia / UNTV Correspondent )
Tags: budol-budol, PNP, QCPD