Limang kaso ng Zika virus sa bansa, hindi locally – transmitted ayon sa DOH

by Radyo La Verdad | September 2, 2016 (Friday) | 1097

AIKO_ZIKA
Apat na foreign nationals at isang Pilipina ang nagpositobo sa Zika virus noong nakaraang linggo.

Pero nilinaw ng Department of Health na magaling na ang mga ito at negatibo na dahil lumagpas na sila sa incubation period ng virus o tatlo hanggang 12 araw mula nang sila ay makitaan ng sintomas ng nasabing viral infection.

Sa kabila ng insidente, tiniyak ng DOH na nananatiling Zika –free ang Pilipinas.

Mas maigiting at mas mahigpit naman ang pag-i-screen ngayon ng Bureau of Quarantine sa lahat ng mga biyaherong palabas ng bansa at mga turistang papasok galing sa mga bansang may mga reported Zika virus cases gaya ng South America, Africa at ang Singapore.

Bukod sa thermal scnanners at health declaration checklists ay may ipinamimigay ngayon sa mga papasok at lalabas sa bansa na Zika travel advisory.

Kinumpirma rin ng kagawaran na wala pang naitatalang kaso ng Zika sa mga Pinoy OFW na nasa mga bansang may kumpirmadong kaso ng virus.

Samantala, bukod sa Zika virus ay patuloy pa rin ang pagmomonitor ng kagawaran at Bureau of Quarantine sa mga biyaherong galing ng bansang Middle East na may epidemya ng Corona virus.

May nakatalagang DOH hotline at national hotline na maaaring tawagan ng ating mga kababayan para sa mga katananungan at ulat ng mga taong maaaring makitaan ng sintomas ng Zika virus.

(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)

Tags: ,