METRO MANILA – Tinatayang 4M Pilipino ang posibleng magparehistro upang makaboto sa 2022 national elections ayon sa Commission On Elections (COMELEC).
At dahil may banta pa ng COVID-19, naglabas ng panuntunan at ilang alternatibong paraan ang Comelec para sa mga nagnanais magpatala kabilang na mga botanteng lumipat sa ibang lugar at nais mag-file ng application for transfer.
Kabilang dito ang pagpi-print ng tatlong kopya ng application forms. Sa pagpi-print nito, dapat gumamit ng long bond paper na may sukat na 8.5 by 13 inches at hindi ang A4 o ang legal size na mas mahaba ang sukat.
Sagutan ang application form ngunit mahigpit na nagpapaalala ang comelec na huwag itong pirmahan dahil kailangan itong gawin sa harap ng Comelec officer sa opisina ng komisyon.
Bagaman hindi mandatory ay inirerekomenda ng Comelec na gawin ito upang hindi na magtagal sa Comelec offices.
Inirerekomenda rin ng Comelec na mag-set ng appointment kung kailan maaaring pumunta saCcomelec office upang hindi magsabay-sabay ang mga aplikante.
Maaari itong gawin sa pamamagitan ng pagtawag sa Comelec offices.
Makikita ang numero ng telepono sa website o social media sites ng komisyon.
Pwede ding magpadala ng mensahe sa facebook page ng Comelec. Kung walang access sa internet at printer, maaari naman dumirecho na lang sa opisina ng Comelec.
Magdala lang ng isa sa ano mang valid identification ngunit maaaring humingi ng karagdagang dokumento ang Comelec kung sakaling walang nakalagay na kasalukuyang address o tirahan sa ID.
Hangga’t maaari ay magdala rin ng sariling ballpen o panulat na gagamitin sa pagpirma ng application form.
Kailangan rin ay nakasuot ng face mask at face shield ang mga aplikante at tatanggalin lang ito kung magpapakuha ng litrato para sa biometrics data.
Kailangan ding magsagot ng health declaration form bilang karadagang hakbang laban sa pandemya.
Maaari na rin itong gawin online para sa mas mabilis na proseso. Bukas ang mga local Comelec office para sa voter registration tuwing martes hanggang sabado mula alas otso ng umaga hanggang alas tres ng hapon.
Tatagal ang voter registration hanggang September 2021. Kabilang na rito ang mga maglalabing-walong taong gulang sa May 9, 2022 ngunit wala sa Pilipinas sa nasabing araw.
Maaaring magpa-schedule din ng appointment bago pumunta sa Comelec.
Nirerekomenda ng comelec na magparehistro hangga’t maaga at tiniyak na ginagawa nila ang lahat para manatiling ligtas ang pagsasagawa ng voter registration.
“Huwag pong mamgangamba yung publiko about registration. We are doing our level best to make sure na yung mga registration centers natin are COVID-safe”ani Comelec Spokesperson, James Jimenez.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: COMELEC, voter registration