METRO MANILA – Hindi na dapat nahihirapan ang mga kababayan nating may permanenteng kapansanan para makapagpa-renew ng kanila ID kada 3 taon.
Ito ang pananaw ni Senator Lito Lapid kaya naman inihain nito ang Senate Bill 1795 na layong amyedahan ang Republic Act 7277 o ang magna carta for disabled persons.
Sa naturang panukalang batas, gagawin nang lifetime ang validity ng PWD IDs ng mga may permanent disability.
Ayon sa senador, makabibigat lamang sa may mga kapansanan ang paulit-ulit na proseso sa pagkuha ng ID at aksaya lamang sa oras at pera ang renewal fee.
Hindi na rin dapat ina-apply ng re-evaluation para sa pagrenew ng ID ang mga may permanent disability kagaya ng pre-existing birth defects, permanenteng pagkabulag at deafness at loss of limb o parte ng katawan.
Sa ilalim ng panukala, dapat ang permanent disability ay certified ng municipal or city health office kung saan naninirahan ang PWD.
Kailangan ding matiyak ng issuing offices na hindi maaabuso ang lifetime validity ng mga id lalo na kapag pumanaw na ang PWD.
Nananawagan ang senador sa kanyang mga kapwa mambabatas na matalakay na ang panukalang batas.
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: Lifetime validity, PWD ID