Dismayado si Senator Antonio Trillanes IV sa lumabas na draft committee report ng Blue Ribbon Committee, kung saan inirekomenda na isailalim sa lifestyle check sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Attorney Mans Carpio.
Dahil ito sa kanilang pagkaka-ugnay sa smuggling activities umano sa Bureau of Customs batay sa isinagawang imbestigasyon sa 6.4 billion pesos shabu shipment na galing sa China.
Base sa 52 page- draft committee report, inirerekomenda ang malawakang reporma sa Bureau of Customs. Sasampahan naman ng kasong kriminal ang lahat ng opisyal ng BOC Command Center at ibang personalidad kabilang na si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Hiniling din nito sa National Bureau of Investigation na isama sa lifestyle check sina Davao City Vice Mayor Duterte at Atty. Carpio.
Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, wala namang isyu kung mapasailalim man sa lifestyle check ang Presidential son. Posible rin aniyang mabago pa ang nilalaman ng naturang draft report ng komite.
Una na ring sinabi ni Senador Gordon na wala siyang pinapanigan o kinakampihan sa pagdinig lalo na sa panig ng first family.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: Atty. Mans Carpio, sen. trillanes, Vice Mayor Paolo Duterte