Lifestyle check ng DILG sa hanay ng pulisya, suportado ng PNP

by Radyo La Verdad | July 12, 2016 (Tuesday) | 1411

LEA_DELA-ROSA
Pabor si Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa na ang mga opisyal mula sa National Police Commission ang magsagawa ng lifestyle check sa mga kawani ng PNP.

Ayon sa heneral, hindi maaaring mula sa pribadong sektor o mga sibilyan ang magsagawa nito dahil nais niyang protektahan ang kanyang mga tauhan laban sa mga drug lords na tiyak na kikilos upang sirain sila sa pamamagitan ng pagbabayad sa mga piskal at media.

Ayaw din ng PNP Chief na maging self-serving ang pagsasagawa ng lifestyle check kung ang pamunuan ng Pambansang Pulisya ang gagawan nito.

Tiniyak din ni General Bato na bagamat wala pang natatanggap na direktiba mula kay Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno, nakahanda ang buong hanay ng pambansang pulisya sa isasagawang lifestyle check.

Kung magkakaroon man ng pagtutol, tiyak na ito ay mula sa mga tiwaling pulis na sobra-sobra na ang yaman.

Matatandang noong Biyernes ay ipinag-utos ng DILG ang pagsasagawa ng lifestyle check matapos na pangalanan ni President Rodrigo Duterte ang limang heneral na protektor umano ng illegal drug operations sa bansa.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: , ,