Life locator, kabilang sa mga equipment na ginagamit sa pagpapatuloy ng search and rescue operations sa Naga City, Cebu

by Radyo La Verdad | September 25, 2018 (Tuesday) | 6151

Patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operations sa City of Naga, Province of Cebu matapos ang nangyaring landslide noong nakaraang Huwebes ng umaga.

Ayon sa incident commander na si Engineer Ver Balaba, gumagamit na ng life locator ang mga rescuer sa pag-asang may matatagpuan pang buhay na natabunan ng gumuhong lupa sa Sitio Sindulan, Brgy. Tinaan.

Ang life locator ay kayang maka-detect ng heartbeat at breathing 6 meters below the ground. Sa kasalukuyan ay nasa apatnapu’t lima ang patuloy pa ring pinaghahanap.

Hindi naman bababa sa limampu’t isa ang naitalang nasawi. Pinag-aaralan na rin ng pamahalaang lokal ng City of Naga, Cebu ang mga hakbang at pagsasaayos ng relocation site para sa mga pamilyang apektado ng landslide.

Sa ngayon ay mayroon nang inisyal na twenty-five million pesos na pondo ang lungsod para sa construction at site development.

Inaasahang itatayo ang mga bahay sa 25-hectares Balili property sa Brgy. Nuburan, City of Naga na bigay ng Cebu Provincial Government.

Tinatayang nasa 1,253 na pamilya ang pansamantalang nanunuluyan ngayon sa mga itinalagang evacuation centers.

Samantala, inilibing na kahapon ang dalawapu’t isang nasawi sa insidente.

 

( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )

Tags: , ,