Libu-libong taga-suporta ni Pangulong Duterte, ipinanagawan ang pagdedeklara ng revolutionary government

by Radyo La Verdad | December 1, 2017 (Friday) | 4283

Muling nagpakita ng pwersa ang libu-libong mga taga suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mendiola, Manila kahapon sa isinasagawang pro-revolutionary government rally. Layon ng pagtitipong ito na hikayatin ang Pangulo na magdeklara na ng revolutionary government.

Naniniwala ang mga pro-revolutionary government organizations na ito ang tanging paraan upang mabilis na maisakatuparan ng punong ehekutibo ang mga repormang kailangang maipatupad sa pamahalaan.

Kabilang dito ang kampanya kontra iligal na droga, ang laban sa korupsyon at ang pagsawata sa mga grupong nagpa-plano umanong pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay Attorney Joel Tovar, ang founder at chairman ng People Solidarity and Federal Party, ang pagbibigay ng dagdag na kapangyarihan sa Pangulo ay upang matupad nito ang kaniyang mga ipinangakong pagbabago para sa bayan.

Bumuhos man ang malakas na ulan kanina, hindi natinag mga ang grupo na karamihan ay dumayo pa mula sa malalayong probinsya.

As of 4pm kahapon, umabot sa tatlong libo at limang daan ang crowd estimate base sa datos ng Manila Police District.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,