Ipapamahagi na sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod ng Bacoor ang nasa isang libong kopya ng libro na pinamagatang “Agosto Uno”.
Dito nakasaad ang nangyari sa Bacoor Assembly noong ika-1 ng Agosto 1898 kung saan may mahalagang ginampanan ang siyudad sa proklamasyon ng kasarinlan ng mga Pilipino.
Ayon kay Bacoor City Mayor Lani Mercado Revilla, tila isang bagong tuklas sa kanila ang istorya ng Bacoor Assembly kaya nais nila itong gunitain.
Ang dalawang daan at limampung pahinang aklat ay resulta ng isang taong pananaliksik at ilang buwan pagsusulat ng mga may akda nito.
Kaalinsabay ng book launch ay ipapanood din ang isang documentary film ng Agosto uno upang mas maintindihan ito ng mga mag-aaral.
Isa din sa nais maipakilala ng lungsod ay ang Bahay na Tisa kung saan isa ito sa mga tinuluyan ni General Aguinaldo.
Dahil na rin sa katandaan ng bahay ay hindi na maiaalis ang kaunting sira dito kaya hinikayat nila ang ibang ahensya ng pamahalaan na tumulong sa pagsasa-ayos dito.
( Benedict Samson / UNTV Correspondent )