Agosto 2017 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republict Act 10929 o ang free internet access program.
Layon nitong mabigyan ang mga Pilipino ng access sa libreng WiFi sa lahat ng mga pampublikong lugar sa bansa tulad ng mga ospital, transport terminal at iba pa.
Una nang nalagyan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ng libreng WiFi connection ang kahabaan ng Edsa at mga MRT station. Maging sa mga probinsya, sinisimulan na rin ang proyekto.
Kabilang dito ang Barangay San Jose sa San Simon, Pampanga, sinimulan na noong nakaraang buwan ang testing o trial period ng free public WiFi.
Sakop nito ang covered court sa lugar, may bilis ito na hanggang 100mbps at 24 oras maaaring ma-access ng mga residente.
Ikinatuwa naman ng mga residente dahil naging benepisyaryo sila ng programa. Malaki anila ang maitutulong nito lalo na sa mga mahihirap na estudyante.
Sa mga susunod na araw ay pormal nang ilulunsad ang free WiFi sa barangay.
Ayon sa DICT, posibleng maitaas pa sa 300 mbps ang bilis ng internet connection sa lugar depende sa magiging resulta ng kanilang isinasagawang testing.
( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )