METRO MANILA – Nilagdaan na ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang kasunduan sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) na nagbibigay ng libreng serbisyong legal para sa mga magsasaka, nitong Hunyo 21 sa Angeles City, Pampanga.
Tinawag ang programa na “Abogado para sa mga Magsasaka ng Central Luzon” na may layon magbigay ng serbisyong legal pang-agraryo tulad ng konsultasyon at pagpapayo sa mga mahihirap na agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Sa ilalim ng nilagdaang kasunduan, mabibigyan ng maagang representasyon ang mga kasong kinasasangkutan ng mga alitang pang-agraryo pati na rin ang iba pang mga serbisyo para sa mga magsasakang nahaharap sa mga sibil at kriminal na paglilitis.
Ayon kay Atty. Peter Paul Maglalang, gobernador ng IBP-Central Luzon at isa sa mga lumagda ng kasunduan, sakop din nito na tulungan ang mga kapamilya ng mga magsasaka at upang magbigay ng pag-asa at samahan sa pagkamit ng hustisya.
Sa panayam ni DAR Regional Director James Arsenio Ponce, ang Central Luzon ang rehiyon na may pinakamaraming bilang ng mga kasong legal na pang-agraryo para sa mga magsasaka.
Dagdag ni DAR Secretary Bernie Cruz, kasabay ng mga mandato ng DAR na mamahagi ng mga lupa para sa mga walang lupang magsasaka, ay kailangan ding pangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka dahil ang mga legal na problema ng mga ito ay maaaring makaapekto sa kanilang pagiging produktibo sa pagsasaka.
(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)