Libreng serbisyo ng patubig sa irigasyon, hiniling ng ilang magsasaka sa Ilocos Sur

by Radyo La Verdad | November 9, 2015 (Monday) | 3003

TOTO_LIBRENG
Umaapela ang ilang grupo ng mga magsasaka sa Ilocos Sur sa National Irrigation Administration na gawin nang libre ang serbisyong patubig sa kanilang mga lupain.

Sa pulong ng Farmers Federated Ilocos Sur, hinihiling nila sa nia na mabigyan ng pansin ang kanilang panawagan upang mabawasan ang kanilang paghihirap lalo’t marami sa kanila ang hindi pa ganap na nakakabawi mula sa pananalasa ng bagyong Ineng noong nakaraang buwan ng Agosto.

Hiling rin nila sa ahensya na maisaayos ang mga pasilidad na nasira ng kalamidad upang magamit na ito ng mga obrero.

Sinabi rin ng Chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at dating Anakpawis Party-list Rep. Rafael Mariano na malaking tulong sa mga magsasaka kung hindi na sisingilin ng nia ang kanilang mga utang.

Base sa datos na iprenesenta ng grupo magkakaiba ang halaga ng serbisyo na sinisingil ng nia dipende sa uri ng irigasyon;

Mayroong 1,700 pesos hanggang 5, 600 pesos para sa bawat ektarya ng sakahan kapag tag-ulan habang 2,500 hanggang 7,500 pesos naman kada ektarya kung tag init.

Sa operation ng banaoang pump irrigation system nasa 13.17 milyong pesos ang back-accounts ng mga magsasaka habang mahigit naman sa 28 milyong piso sa sta. Lucia-candon irrigated system.

Una nang isinulong sa kongreso ng Anakpawis Partylist ang house bill no. 6224 o panukalang gawing libre ang serbisyo ng irigasyon bilang tulong sa mga maliliit na magsasaka.(Toto Fabros/UNTV Correspondent)

Tags: ,