Libreng sakay sa Edsa busway hanggang Disyembre, may pondo na

by Radyo La Verdad | August 17, 2022 (Wednesday) | 519

METRO MANILA – Naglabas na ang Department of Budget and Management (DBM) ng P1.4-B na pondo para sa pagpapatuloy ng libreng sakay sa Edsa Busway.

Sa opisyal na pahayag, sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang karagdagang pondo ay alinsunod sa hangad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, na palawigin ang programa.

July 31, 2022 pa dapat natapos ang libreng sakay, ngunit inanunsyo ni Pangulong Marcos na palalawigin pa ang programa hanggang December 31, 2022.

Makatutulong aniya ang libreng sakay sa nasa 50 milyong mga pasahero lalo pa ang mga estudyante at mga kabilang sa labor force.

Bukod sa mga pasahero, ginhawa rin ang hatid nito sa mga operator at mga kawani ng bus company na bumabyahe sa Edsa.

Nagbibigay ito ng tiyak na kita sa mga bus operator na kabilang sa programa lalo pa sa gitna ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.