Libreng sakay sa bus ng Office of the Vice President, umarangkada na

by Radyo La Verdad | August 4, 2022 (Thursday) | 4281

METRO MANILA – Good news sa mga commuter dahil madaragdagan pa ang bilang ng mga bus na bibiyahe sa Edsa bus way tuwing rush hour.

Kasunod ito ng inilunsad na ng Office of the Vice President (OVP) na “Peak Hours” Augmentation Bus Service (PHABS).

Tulad ng Edsa bus carousel, libre ring makakasasakay ang mga pasahero sa PHABS sa Parañaque Integrated Termimnal Exchange (PITX).

Bibyahe ang mga ito sa Edsa bus ways, Lunes hanggang Sabado simula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.

Ayon kay Vice President Sara Duterte, layon nito na makiisa sa ginagawang libreng sakay program ng Department of Transportation, kung saan target na matulungan ang mga commuter gaya ng mga naghahanap ng trabaho, mga estudyante at iba pang mga mangagawa.

Bukod sa Luzon, meron ding mga bus na bibiyahe sa ilang piling lugar sa Visayas at Mindanao, na maaaring sakyan ng ating mga kababayan ng libre.

Sa Bacololod City, point-to-point ride ang biyahe ng OVP libreng sakay bus, tuwing Lunes hanggang Sabado, ala-6 hanggang alas-10 ng umaga, at alas-4 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.

Pero paalala ng OVP sa mga piling barangay lamang sa Bacolod ang maseserbisyuhan ng libreng sakay depende sa schedule ng biyahe.

Sa bahagi naman Cebu, bibiyahe ang OVP bus, Lunes at Martes sa Mandaue City.

Habang sa Cebu City naman ang ruta nito tuwing araw ng Miyerkules at Huwebes. At Lapu-lapu City naman kapag araw ng Biyernes at Sabado.

Sa Davao City naman tatlong designated pick-up stations ang biyahe ng OVP bus, Lunes hanggang Sabado simula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.

Sa OVP mangagaling ang budget para sa gasolina at maintenance ng mga gagamiting bus.

Habang sasagutin ng bus company ang sahod ng mga driver at konduktor nito.

Bukod sa mga commuter, kasama rin sa mga makikinabang sa programa ang mga driver ng bus dahil magtutuloy-tuloy ang kanilang paghahanap-buhay.

Tags: ,