Libreng sakay program, walang pondo sa 2023 proposed budget

by Radyo La Verdad | August 26, 2022 (Friday) | 13020

METRO MANILA – Sa pagharap ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) sa brieifng kahapon (August 25) ng House Committee on Transportation, isa sa mga natalakay ang usapin kaugnay sa libreng sakay program.

Ayon sa DOTr hanggang sa December 31, 2022 na lamang talaga ang extension ng libreng sakay program ng ahensya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Junior.

Sa ilalim ng service contracting program, ang pamahalaan ang siyang nagbabayad sa serbisyo ng ilang jeepney drivers maging ang mga bus na bumibiyahe sa Edsa carousel.

Ngunit ang libreng sakay posibleng hindi na maipagpatuloy sa susunod na taon.

Paliwanag ng DOTr, aabot sa P12-B ang pondong kakailanganin upang maipagpatuloy ang libreng sakay program hanggang sa susunod na taon.

Pero ang problema, hindi ito nakasama sa napondohan sa ilalim ng 2023 proposed national budget.

Kaya naman umaapela ang DOTr sa mga mambabatas na sana’y maikonsidera na mapondohan ang libreng sakay sa oras na simulan ang deliberasyon ng proposed national budget.

Sa datos ng DOTr, umaabot sa 250,000 hanggang 300,000 kada araw ang mga sumasakay sa Edsa busway na nakaka-libre ng pamasahe.

Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista plano pa sana ng ahensya na dagdagan ang mga pumapasada sa Edsa carousel upang matulungan  ang mas marami pang mga pasahero lalo’t nagsimula na rin ang face-to-face classes ng mga estudyante.

Target ng ahensya na makapagdagdag sana ng 50-100 bus unit na bibiyahe sa Edsa busway.

Sa ilalim ng national expenditure program, nasa P167.1-B ang panukalang pondo na ilalaan para sa DOTr.

Mas mataas ito ng 120.4% kung ikukumpara sa kanilang budget noong 2022.

Samantala, tiniyak naman ng kagawaran na binibigay nila ang sweldo ng mga bus driver na nagseserbisyo sa Edsa busway.

Nauna nang naging isyu ang umano’y delay sa pagre-release ng pondo ng pamahalaan bilang kabayaran sa serbisyo ng mga bus driver na pumapasada sa ilalim ng service contracting program.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: , ,