Libreng cervical cancer screening, ipagkakaloob ng DOH

by dennis | May 8, 2015 (Friday) | 3532

DARLENE

Magbibigay ng libreng cervical cancer screening ang Department of Health para sa mga babaeng may edad 21 taong gulang pataas.

Ito ay bilang pagobserba sa buwan ng Mayo bilang “Cervical Cancer Awareness and Prevention Month,” na may layong magbigay ng mahahalagang impormasyon ukol sa naturang sakit para maaga palang ay ma-detect kung may tendency ang isang babae na magkaroon ng naturang sakit at mabigyan agad ng atensyong medikal.

Batay sa datos ng DOH, 12 Filipina ang namamatay kada araw dahil sa cervical cancer simula 2010.

Nasa anim na libong filipina rin ang diagnosed na may cervical cancer taon taon at kalahati sa mga ito namamatay makalipas ang 5 taon.

Ito rin ang pangalawa sa uri ng cancer na nakakaapekto sa mga kababaihan sa buong mundo.

“Kapag nakikita yung mga puti-puti or dandruff looking sa matres ng babae, it’s an indication that there is a probability that that patient will develop cancer after ten to fifteen years. Ibig sabihin we will be detecting it at an early possible time kung saan pwede pa itong sugpuin,” pahayag ni DOH Secretary Janette Garin

Ayon pa sa DOH, gagawin nila ang screening sa pamamagitan ng visual inspection sa pamamagitan ng acetic acid, o PAP smear.

Maaring magtungo ang mga nais mag-avail ng free screening sa mga DOH retained hospital at sa mga selected tertiary private hospitals sa ibat ibang panig ng Pilipinas.

Samantala, magbibigay rin ng libreng vaccine kontra cervical cancer ang DOH sa Agosto sa mga kabataang nasa edad siyam hanggang 13 taong gulang sa mga public school sa dalawampung mahihirap na lalawigan.(Darlene Basingan/UNTV Radio)

Tags: , , ,