Libreng bakuna kontra dengue sa mga grade 4 student, sisimulan na April 4

by Radyo La Verdad | March 28, 2016 (Monday) | 1659

doh-facade
Sa darating na Lunes, uunahing bisitahin ng DOH ang parang elementary school upang bigyan ang mga estudyante sa grade 4 ng dengvaxia o ang anti-dengue vaccine.

Isa ang National Capital Region,sa mga rehiyon kung saan target ng DOH na mabakunahan ang mahigit sa isang milyong mga estudyante edad siyam hanggang sampung taon.

Bukod sa NCR, bibigyan rin ng anti-dengue vaccine ang mga estudyante sa Region III, CALABARZON at maging ang Region VII.

Ang mga naturang rehiyon ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng dengue noong nakaraang taon, kaya naman ito ang mga lugar na prayoridad ng kagawaran na bigyan ng bakuna.

Sa datos ng DOH- Epidemiology Bureau, umabot sa mahigit dalawang daang libo ang kaso ng dengue na naitala sa Pilipinas noong 2015, mas mataas ito ng 65 percent kung ikukumpara sa kabuoang kaso noong 2014.

Batay sa pagaaral ng mga doktor, ang bakuna laban sa dengue ay makatutulong upang mabawasan ang bilang ng mga naoospital ng 81 percent, habang nasa 93 percent naman ang naibabawas nito sa severity.

Ibig sabihin, sakali mang magkaroon ng dengue ang isang pasyenteng nabakunahan ay hindi magiging malala ang kondisyon nito.

Samantala nilinaw rin ng DOH, ang isyu hinggil sa umano’y hindi epektibo ang nasabing bakuna at maaring magiwan ng masamang epekto sa mga bata.

Giit DOH, dumaan sa masusing pag-aaral ng mga eksperto ang dengue vaccine na tumagal ng halos dalawampung taon, at aprubado ito ng World Health Organization kung kaya’t nakasisiguro ang kagawaran na epektibo ito at walang anumang masamang side effect sa mga bata.

Sa ngayon ay uunahin muna ng DOH ang marikina at pagkatapos nito ay isusunod pa ng ahensya ang iba pang mga lugar kung saan dapat na mabakunahan ang mga bata.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,