Libo-libong mamimili, dagsa na sa Divisoria ngayong holiday vacation

by Radyo La Verdad | December 18, 2017 (Monday) | 4089

Sinasamantala ng libo-libo nating mga kababayan hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa ilang kalapit lalawigan ang holiday break upang magtungo sa Divisoria, ito ay upang mamili ng mga murang gamit pang personal man o pangnegosyo.

Dito matatagpuan ang bagsak-presyong mga gamit, mula damit hanggang mga laruan. Makakabili ng terno na pambatang damit sa halagang P150.

Mayroon ding shorts na mabibili sa halagang P150, t-shirt na panlalaki sa halagang 2 for P150, blouse at dress na nasa  hanggang 100 piso. Mayroon namang iba’t-ibang klase ng pouch, bag at wallet na ang presyo ay mula 25 hanggang P150 pesos.

Sa halaga namang 100 hanggang 250 pesos ay may mabibili ng relo, payong, at lagayan ng tubig o tumbler. Ang mga pambatang laruan naman, nasa P20 hanggang P50.

Sa huling dalawang linggo ng Disyembre, dagsa na at hindi na maiwasan ang siksikan ng mga mamimili sa Divisoria kaya para sa seguridad ng mga mamimili ay may ilang paalala rin ang otoridad.

Ayon kay PSupt. Amante Baraquiel Daro, Chief MPD ng Station 11, sakaling magdadala ng bag ay sa harapan ito ilagay, saktong halaga lang din daw ng pera na kailangan ang ilagay sa bulsa, huwag na rin magsusuot ng alahas para hindi maging target ng mga oportunista, huwag na ring magsama ng bata at mas maganda rin kung may target na bibilhin kaysa ikot ng ikot sa Divisoria.

Bagaman walang insidente ng snatching na naitala ang MPD Station 11 ngayong taon, nagdagdag pa rin ng 50 pulis mula sa 450 na nagbabantay sa lugar.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,