LGU’s sa NCR, patuloy ang paghahanda sa pagdating ng bakuna sa bansa

by Erika Endraca | January 20, 2021 (Wednesday) | 4611

METRO MANILA – Sinubukan ng Manila City sa isang maliit na espasyo kung paano isasagawa ang pagbabakuna kontra Covid-19.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, nasa 6 na minuto lamang ang gugugulin ng isang magpapabakuna para matapos ang proseso.

Ito ay kung nakapag-parehistro kana online sa www.manilacovid19vaccine.com.

Sinubukan din si Yorme na kunwaring magpabakuna. Nang i-scan ang QR code, lumabas na nabakunahan na nga ito at pinababalik sa araw na itinakda para sa ikalawang dose ng bakuna.

Ang Caloocan City naman ay nasa 600,000 doses ang inisyal na bibilhing bakuna mula sa Astrazenica para sa inisyal na 300,000 residente nito.

Ayon kay Mayor Oca Malapitan, may nakalaan nang P300-M na pondo at may P1-B na standby fund.

Ang isa sa istratehiya na gagawin ng Caloocan City ay kakausapin ang ilang grupo para sa makatulong sa pagbabakuna.

Sa ngayon ay nakikipagugnayan na ang Caloocan City sa mga cold storage sa lungsod para sa pagiimbakan ng bakuna at bibili din sila ng mga freezer at carriers na gagamitin naman sa pagdadala mula sa storage hanggang sa mga vaccination sites.

Ayon kay Mayor Malapitan, hinihintay pa niya ang guidelines na ibababa ng Inter Agency Task Force sa mga priority na babakunahan.

Pero kung siya lamang aniya ang masusunod ay uunahin niya ang mga kawani ng gobyerno at barangay gayun din ang mga guro sa pampulikong paaralan sa lungsod.

Samantala, ang San Juan City ay nakapagsagawa narin ng simulation sa San Juan Gym na isa sa mga vaccination site.

Ang Marikina City ay dinadagdagan naman ang mga lugar na paglalagyan ng bakuna para mas marami ang mailagay.

Ang Taguig City naman ay may cold kausap narin cold storage na maaaring imbakan kahit ng mga bakunang nangangailangan ng sobrang lamig na temperatura.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,