LGUs na bigong magpasa ng vaccination data, padadalhan ng show cause order

by Radyo La Verdad | November 6, 2021 (Saturday) | 2961

Ipinaasikaso na ng Department of the Interior and Local Government sa mga lokal na pamahalaan ang pagsusumite ng kumpletong report para sa vaccination data na ipinapasa sa National Vaccine Operations Center.

Ayon sa DILG mayroon pang nasa sampung milyong vaccination data ang hindi pa rin naisusumite ng mga LGU kaya’t hindi pa makumpleto ang aktwal na datos ng mga nababakunahan.

“Meron nga pong 30% na mga LGU na hindi nagsusumite ng kanilang updated records everyday dahil base po doon sa ating polisiya sa National Vaccine Operations Center at the end of the day ay kailangan n-i-re-report nila yung nababakunahan nila,” ani DILG Usec. Jonathan Malaya.

Hindi na idinetalye ng DILG kung sino-sino ang mga hindi pa rin nakapagpapasa ng vaccination data. Ngunit nagbabala ito na sa susunod na dalawang linggo ay pagpapaliwanagin na ang mga LGU na bigo pa ring makasumite ng datos.

Katwiran ng DILG hindi na isyu sa ngayon ang kakulangan sa suplay ng bakuna para maantala pa ang Covid-19 vaccination rollout. Gayuman nananatili pa ring hamon ang vaccine hesitancy pati na ang mga kababayan natin na namimili ng brand ng bakuna.

Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng DILG kung may mga LGU ang nagpapabaya sa vaccination rollout kasama na ang isyu hinggil sa vaccine wastage.

Nilinaw rin ng ahensya na hindi naman nila ititigil ang pagsu-suplay ng mga bakuna sa mga ito sa gitna ng imbestigasyon sa performance sa vaccination rollout.

Samantala, pinakikilos na rin ng DILG ang Philippine National Police at ang Bureau of Fire Protection upang maihatid sa malalayong mga lugar ang mga bakuna.

“Ang nakikita naming problema ngayon ay within the Local Government Units yung paghahatid ng bakuna mula doon sa sentro ng LGU o sa poblacion papunta sa mga barangay kasi nga po dapat nating ilapit yung vaccination sa kanila para hindi na po sila mahirapan magpabakuna,” ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya.

Suportado naman ng DILG ang isasagawang National Vaccination Day. Ito’y , upang mabigyan ng pagkakataon ang mas marami nating mga kababayan na makapagpabakuna lalo na ang mga may trabaho na kadalasang nagiging conflict kaya’t hindi sila makapagpabakuna.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng DILG ang malinaw na detalye ukol dito bago magbaba ng kautusan sa mga LGU.

Sa isang panayam sinabi ni Vaccine Czar Ssecretary Carlito Galvez, na target nilang isagawa ang National Vaccination Day ngayong buwan ng Nobyembre na tatagal sa loob ng 3 araw.

JP Nuñez | UNTV News

Tags: , ,