LGUs, mabilis ang distribusyon ng ayuda sa NCR plus – DILG

by Erika Endraca | May 28, 2021 (Friday) | 2556

METRO MANILA – Pinuri ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang mga Local Government Units (LGUs) dahil sa bilis ng distribusyon ng mga ayuda kung saan umabot na sa 99.6% o P22.8-B ang kabuuang naipamahagi sa
22,838,875 na mga benepisaryo sa buong NCR Plus.

“Nais po nating batiin ang mga local government units (LGUs), mayors, barangay officials, social workers at mga DILG field officers sa kanilang accomplishment at taos-pusong pagseserbisyo. Naiparating po natin ang tulong sa ating mga kakabayan. Mabuhay po kayo!” ani DILG Secretary Eduardo M. Año.

Sa kasalukuyang datos , ang NCR ang may hawak ng pinakamataas na completion rate sa pamamamahagi ng ayuda na nasa 99.95% o 11.1 Billion na kinapapalooban ng 15 LGUs na may 100% completion rate, Manila; Caloocan; Makati; Malabon; Mandaluyong; Marikina; Muntinlupa; Parañaque; Pasay; Pasig; Pateros; Quezon City; San Juan; Taguig; at Valenzuela.

Sinundan naman ito ng Bulacan na nasa 99.93% na o P2.9-Billion; Laguna na may 99.74% o P2.7-Billion ;Rizal na may 99.68% o P2.6-Billion; at Cavite na may 98.45 % o P3.3-Billion.

Dagdag ni Año, may mga LGUs ang nagsauli ng mga unclaimed funds dahil sa beneficiaries
na hindi nila makita o ang iba’y nagsiuwian na sa probinsya.

(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)

Tags: ,