LGU’s inatasan bumuo ng Emergency Response Teams kontra 2019-nCoV

by Erika Endraca | February 5, 2020 (Wednesday) | 1390

Ipinagutos ni DILG Secretary Eduardo Año ang pagkakaroon ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) dahil sa patuloy na paglaganap ng Novel Coronavirus- Acute Respiratory Disease o 2019 nCoV-ARD.

Ang BHERT kung tawagin ay binubuo ng 1 Executive Officer, 1 Barangay tanod at 2 Health workers kung saan ang 1 sa kanila ay Nurse o Midwife.

Kailangan din na may suot ang mga miyembro nito ng protective gear gaya ng surgical gowns, goggles, masks, at gloves.

Sila na rin ang bibisita sa bahay ng mga pasaherong bagong dating mula sa nCoV-infected country at aalamin ang detalye ng kanilang biyahe.

Obligado rin ang mga ito na i-record ang daily body temperature ng mga bagong dating na pasahero sa kanilang lokalidad sa umaga at hapon at posibleng confinement ng 14 na araw para obserbahan ang possible Coronavirus symptoms.

Kapag nakitaan ng sintomas ang isang residente, kinakailangan i-isolate agad ng mga BHERT sa isang kwarto ang suspected Coronavirus victim papalayo sa kanyang pamilya.

Kinakailangan din sumailalim sa 14-day home quarantine ang mga miyembro ng pamilya na nakasalamuha ng suspected victim.

Ang BHERTs ang magsisilbing mata at tenga ng gobyerno upang matiyak na lahat ng residente sa kanilang nasasakupan ay accounted at ganap na naiimpormahan tungkol sa nCoV.

Tags: