Letter writing competition, bubuksan ng PHLPost at DepEd

by Radyo La Verdad | August 31, 2018 (Friday) | 9638

Magsasagawa ang Department of Education (DepEd) at Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang isang Thank You Letter-Writing Competition upang bigyang pugay ang mga guro sa nalalapit na pagdiriwang ng World Teachers Day at National Teachers Day.

Ito ay bilang pagkilala sa mga sakripisyo at kabayanihan ng mga guro na gaganapin sa ika-5 ng Setyembre hanggang ika-5 ng Oktubre.

Ayon kay Maxi Sta. Maria, business department manager ng PHLPost, ibinabalik lamang ng ahensiya ang tradisyonal at nakagisnang pagsusulat ng liham upang pasalamatan ang mga guro.

Bukod sa 10,000 pisong papremyo, ang mananalong mag-aaral ang magiging official entry ng Pilipinas sa Universal Postal Union Letter-Writing Competition na isinasagawa taon-taon sa Switzerland.

Ayon naman kay Undersecretary Tonisito Umali, ang pagkilala sa mga guro ay hindi lamang ginagawa kapag dumarating ang buwan ng mga guro at araw ng mga guro kundi nararapat na dalhin araw-araw at isapuso ng mga natulungan nilang mag-aaral.

Samantala, isasagawa sa Ormoc City Superdome ang national celebration ng araw ng mga guro ngayong ika-5 ng Oktubre na inaasahang dadaluhan ng mahigit sa anim na libong guro mula sa iba’t-ibang panig ng bansa.

 

( Archyl Egano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,