Legalidad ng mall voting, posibleng makwestyon ayon sa isang dating opisyal ng Comelec

by Radyo La Verdad | March 23, 2016 (Wednesday) | 1362

dating-Comelec-Commissioner-Gregorio-Larrazabal
Maituturing na isang inobasyon sa halalan sa Pilipinas ang pagsasagawa ng mall voting sa darating na halalan.

Ngunit para kay dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, kailangang tiyakin ng Commission on Elections na naaayon ang naturang hakbang sa batas.

Ayon kay Larrazabal, kung sa mall isasagawa ang botohan dapat nasa ilalim ng pamamahala ng Comelec ang establisyemento upang maiwasan ang disenfranchisement ng mga botante.

Kailangan ding sarado ang mga tindahan sa palibot ng polling center na nasa loob ng 30 meter radius.

Ayon kay Larrazabal maaring sampahan ng kasong paglabag sa omnibus election code ang may-ari ng tindahan na magbubukas sa araw ng halalan.

Aniya kung lalabas na labag sa batas ang mall voting maaring maging sangkalan ito ng iba upang kwestyunin ang kredibilidad ng halalan.

Una nang sinabi ng Comelec na aprubado na ang pagsasagawa ng mall voting para sa halalan sa May 9.

(Victor Cosare/UNTV NEWS)

Tags: