Lalabanan ni Chief Maria Lourdes Sereno ang impeachment complaint na isinampa sa kanya sa Kongreso. Katunayan binubuo na ng punong mahistrado ang kanyang legal team na pangungunahan ni Atty. Alex Poblador na nagtanggol kay Sen. Grace Poe sa disqualification case sa nakaraang Presidential elections.
Nitong Biyernes, kinuha ni Sereno bilang tagapagsalita si Atty. Carlo Cruz, isang eksperto sa konstitusyon na nagtuturo sa UP, UST at iba pang unibersidad, bar reviewer at anak ni dating SC Justice Isagani Cruz.
Ayon kay Cruz, nakahanda si Sereno na harapin ang mga paratang sa impeachment complaint. Karamihan aniya kundi man lahat ng mga alegasyon ay walang basehan o kaya’y tsismis lamang ang pinagbatayan.
Lahat aniya ng mga ito mapasisinungalingan sa isusumite nilang sagot sa Kongreso. Kung may pagkakamali man aniya si Sereno, dapat hayaan itong mapalabas sa tamang proseso at hindi sa mga paninira sa social media o kaya’y sa mga banat ng Pangulo.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: CJ Sereno, impeachment complaint, Kongreso