Leftist groups na may kaugnayan sa NPA, sunod na target umano ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | January 29, 2018 (Monday) | 2059

Muling binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagbabalik bansa mula sa India ang kanyang utos na paggiba sa New People’s Army.

Ayon sa Pangulo, hinihintay lamang niya na pormal na maideklara ng Korte Suprema na mapabilang sa grupo ng mga terorista ang NPA at pagkatapos ay sisimulan na ang mas maigting na pagtugis sa mga ito.

Pagkatapos nito, sunod na target naman umano ng pamahalaan ang mga leftist group na may kaugnayan sa NPA at nagagamit pa umano sa iligal na aktibidad ng grupo gaya ng pangongolekta ng revolutionary tax.

Nagbanta ang Pangulo sa mga negosyanteng nagbibigay sa NPA at sinabing hindi sya magdadalawang-isip na kanselahin ang kanilang business permits.

Ayon naman sa leftist fishermen group na pambansang lakas ng kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA, ikinababahala nila ang pahayag na ito ng Pangulo.

Posible anilang lumala ang mga imbentong kaso at extrajudicial killings sa kanilang mga myembro at local leaders sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte. Mas mabuti aniya na ibalik ang usapang pangkapayapaan upang makamit ang kapayapaan.

 

( Marisol Montaño / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,