Nakabuti sa mga palayan sa bansa ang tuloy-tuloy na mga pag-ulan. Ayon sa National Irrigation Administration o NIA, aabot na sa 700 libong ektarya ng mga sakahan ang nataniman na. Kabilang na dito ang 70% o halos 18 libong ektarya ng palayan na umaasa sa Angat Dam.
Sa ngayon ay hindi pa nagpapakawala ng tubig ang Angat Dam para sa patubig dahil sa mababang lebel nito.
Kaninang 6:00 AM ay halos 170 metro na ang water level ng Angat Dam. Sampung metro pa ang kailangan para maabot ang normal na lebel.
“Worst come to worst meron naman kaming naka standby na mga maliliit na bomba para ipamigay sa mga farmers na nangangailangan ng tubig,” ani Pilipina Bermudez, Department Manager, NIA Public Affairs and Information.
Tumaas na rin ang tubig sa La Mesa Dam sa 75.73 meters kaninang 6:00 AM. Isa ito sa pinagkukunan ng tubig ng Manila Water na isinusupply sa east zone ng Metro Manila. Halos lahat na ng kanilang customer ay may 24 oras na supply ng tubig.
Ang Maynilad naman ay mahigit sa 80% na sa kanilang mga customer ang may normal na suplay ng tubig.
Pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig ng Maynilad ang Angat Dam.
(Rey Pelayo | UNTV News)