Lebel ng Angat dam mababa pa rin sa kabila ng mga pag-ulan – NWRB

by Radyo La Verdad | October 18, 2022 (Tuesday) | 3900

METRO MANILA – Bagaman nakaranas ng malalakas na pag-ulan ang ilang bahagi ng Pilipinas dahil sa mga nagdaang bagyo nitong mga nakalipas na buwan, nanatiling mababa ang lebel ng ilang dam na siyang  pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig.

Batay sa monitoring ng National Water Resources Board (NWRB),  as of 6am kahapon (October 17) nasa 189.38 meters ang lebel ng Angat dam.

At kahit  lagpas pa ito sa minimum operating level ayon sa NWRB posibleng hindi ito sumapat upang tugunan ang pangangailangan hanggang sa susunod na taon.

Paliwanag ng NWRB, kinakailangan na nasa 212 meters ang lebel ng Angat dam sa pagtatapos ng taon.

Sinabi ni NWRB Executive Director Dr. Servillo David Jr. na hindi naka-abot sa mga watershed ang ilang mga pag-ulan  kaya’t mababa pa rin ang lebel ng mga dam.

Sa Angat dam nagmumula ang malaking bahagi ng tubig na isinusuplay sa Metro Manila maging sa mga sakahan sa Bulacan at Pampanga.

At dahil posibleng kapusin ang suplay hanggang sa susunod na taon, muling ipinaalala ng ahensya sa publiko ang kalahagan ng tamang paggamit ng tubig.

Umaapela rin ang NWRB sa iba pang ahensya ng gobyerno at mga pribadong sektor na makalikha ng mga proyekto para sa karagdagdan magpagkukunan ng suplay ng tubig.

Sa nakaraang Legislative Executive Advisory Council (LEDAC) meeting na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior, muling binigyang din pangulo ang kalagahan ng pagbuo ng 1 bagong ahensya na mangangasiwa sa water resources ng bansa.

Sinabi ng pangulo na kailangang tutukan ang bumababang lebel ng tubig para sa kino-konsumo ng mga tao at sa irigasyon.

Masyado na aniyang malawak ang problema at kailangan na ng mga eksperto na upang hanapan ng solusyon ito.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,