Law enforcer na di agad magsasampa ng kaso vs anti-drunk driving law violators, posibleng matanggal

by Radyo La Verdad | February 22, 2018 (Thursday) | 2327

Ipinanukala sa Kamara na dapat ding sampahan ng kaso at matanggal sa serbisyo ang traffic enforcer na hindi agad sinasampahan ng reklamo ang mga nahuhuling driver na nagmamaneho ng nakainom o naka-droga.

Isa ito sa mga isinusulong na amyenda sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, ito ang nakikitang paraan ng mga kongresista para umano magkaroon ng ngipin ang batas.

Pero hindi naman nagkasundo dito ang Land Transportation Office (LTO) at si transportation committee Chairman Cesar Sarmiento.

Sa kasalukuyang batas, oras na bumagsak sa field sobriety test o sa breath analyzer test ang isang driver, agad na silang sasampahan ng kaso at ii-impound ang kanilang sasakyan.

Pero para sa ilang mambabatas, hindi na dapat kasuhan ang driver na bumagsak sa field sobriety test pero pasado naman siya sa breath analyzer test. Iho-hold na lamang ang driver ng hanggang 12 oras hanggang sa mahimas-masan bago uli payagang magmaneho.

Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon ang kumite sa mga panukalang batas na ito at magpapatawag pa ng mga susunod na pagdinig upang makuha ang panig ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , , ,