Laswitan Lagoon, dinarayo ng mga turista dahil sa malalaking alon na humahampas sa limestone formation

by Radyo La Verdad | December 14, 2018 (Friday) | 6724

Bago marating ang Laswitan Lagoon, kinakailangan munang maglakbay ng higit tatlumpong kilometro mula sa Tandag City. Pagkatapos ang halos isang oras na biyahe, bubungad sa iyo ang lagusan papunta sa lagoon.

Mula sa taas, medyo pahirapan pagbaba dahil matirik ang hagdanan, pero sabi nga ng mga dumadayo dito, sulit naman ang matutunghayan kapag dumating ka sa baba.

30 piso lang ang entrance fee upang makapasok at makita ang naggagandahang limestone formations sa palibot ng lagoon na nasa 30-40 ft ang taas.

At bukod sa mga makakamanghang bato, dagdag atraksyon din dito ang paghampas ng nasa 60ft na alon na lagpas sa limestone.

Ang magkasintahang Renier at Estela, dumayo pa mula Cebu upang ma-experience ang pinag-uusapang lagoon na kasama sa kanilang bucket list.

Ang Laswitan Lagoon ay nasa bahagi na ng Pacific Ocean. Hango ito sa salitang bisaya na laswit na ang ibig sabihin ay malakas na talsik ng tubig.

Ang malakas na pagtalsik ng mga alon ay kadalasang Oktubre hanggang Enero kung kailan malakas ang hangin mula sa Pacific Ocean.

Ngunit dahil sadyang mapanganib ang lugar, bawal akyatin ang limestones. Para naman mapanatili ang kalinisan ng lugar, bawal dito ang paninigarilyo at pagdadala ng mga nilutong pagkain.

Ngayong holiday season, inaasahan na ng lokal na pamahalaan ng Cortes ang pagdagsa ng maraming turista.

Ayon naman sa Provincial Tourism Office, meron na silang sustainability at conservation plan upang paghandaan ang lalo pang pagdami ng mga turista upang hindi ito maabuso.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

 

Tags: , ,