Kaalinsabay sa pagdiriwang ng World Wetlands Day noong Sabado, binigyang diin ni Senate Committee on Environment and Natural Resources Chairperson Cynthia Villar ang kahalagahan ng pangangalaga sa Las Piñas Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA).
Nais anilang ingatan ang naturang lugar na idineklara ng Ramsar Convention bilang isa sa most important wetland park sa mundo dahil sa 84 species ng mga migratory birds na makikita dito.
Bukod dito, nasa 35 hectares nito ang napapalibutan ng mga mangrove forest na bukod sa nagiging tahanan at pangitlugan ng mga isda na nagbibigay ng kabuhayan sa mga mangingisda ay nagpoprotekta din laban sa typhoon surge.
“Diyan po sa ating mangrove forest pinapanganak ang lahat ng mga fingerlings na pumupunta sa Manila Bay, so it is giving livelihood to the 300,000 fishermen in Manila Bay, saan kayo makakakita ng ganun pinoprotektahan na tayo sa typhoon surge at flooding nagbibigay pa ng hanapbuhay sa ating mahihirap na mga mangingisda sa Manila Bay,” sabi ni Senator Villar.
Nais rin aniyang mapanatili ang ganda nito upang maisakatuparan ang plano nilang gawing tourist spot.
“I think in a few months’ time DOT will start the wetland center, plus yung mga natural facilities like bird watching at saka yung nature trail at saka yung gagawin na DAB farm na aquaculture facility, dito simple lang yun, and then of course we’re hoping that the MVP group will develop our ports so we can do a river cruise here coming from Las Piñas,” dagdag niya.
Suportado naman ni MMDA Chairman General Danilo Lim ang proyektong ito ni Senator Villar.
“At itong Las Piñas Parañaque Wetland Park na ito ay isa lamang sa kakaunti nang wetlands na natitira, in fact ito ay kaisa-isa nalang dito sa Metro Manila, so kailangang pangalagaan natin ito laging nililinis ime-maintain at ima-manage ng mabuti nang sa ganoon maprotektahan yung ecosystem,” sabi ni Lim.
Sakaling matapos na ang pagpapaganda dito, maaari itong maging pasyalan ng ilan nating mga kababayan maging mga turista.
(Randy Forastero/UNTV Correspondent)
Tags: Las Piñas Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area, Las Piñas Parañaque Wetland Park, Senator Cynthia Villar