Lalawigan ng Masbate naghahanda na sa posibleng pananalasa ng bagyong Nona sa probinsya

by Radyo La Verdad | December 14, 2015 (Monday) | 1648

GERRY_MEETING
Nagpulong kahapon ang mga ahensya kasapi ng Provincial Risk Reduction and Management Council sa Masbate upang paghandaan ang pagtama ng bagyong Nona sa lalawigan.

Inabisuhan na ng PDRRMC na magsagawa ng preemptive evacuation ang mga residenteng nasa coastal baranggay.

Nagpapahanda naman ng limandaang sako ng bigas at dalawamput limang libong lata ng sardinas ang pamahalaang panlalawigan at ngayong araw ay sisimulang i-repack ang mga ito ng Provincial Social and Welfare Development office o PSWDO.

Sinuspindi naman ng DEPED Masbate ang klase ng dalawang araw sa lahat ng antas sa buong lalawigan.

Simula pa kahapon ay hindi na pinahihintulutang bumiyahe ng Philippine Coast Guard ang mga sasakyang pandagat sa siyam na pangunahing pantalan sa lalawigan ng Masbate.

Sa tala ng coast guard isandaan at limampung pasahero, walumpung sasakyang pandagat, apat na pampasaherong bus, limang motorized banca, dalawamput apat na truck, at apat na maliit na sasakyan o kotse ang stranded sa mga pantalan.

Ang ilang pasahero ay nagpalipas muna ng magdamag sa passenger terminal center b sa Masbate city at kung wala pa rin anilang babyahe ngayong araw ay babalik na lang sila sa kani-kanilang mga bayan.

(Gerry Galicia / UNTV Correspondent)

Tags: , ,