Lalaking natumba sa Ermita, Manila, hindi Chinese National at hindi nCoV carrier – MPD

by Radyo La Verdad | February 3, 2020 (Monday) | 3321
PHOTO: Manila PIO Facebook

MANILA, Philippines – Viral ngayon sa social media ang video kung saan isang lalaki ang nanawagan para tulungan ang isang banyaga na nabuwal sa may Taft Avenue malapit sa panulukan ng Remedios Street sa Ermita, Maynila noong Sabado ng alas-4 ng hapon.

Ayon sa nagsasalita sa video, tumawag na umano siya sa iba’t ibang grupo para tulungan ang dayuhan subalit walang tumugon.

Sa isang pahayag, nilinaw naman ng Manila Police Distirct na Koreano at hindi Chinese National ang naturang lalaki.

Wala rin anila itong sakit at nabuwal lamang at nakatulog sa gilid ng kalsada dahil sa sobrang kalasingan.

Ayon pa sa MPD nagsadya sa presinto ang Koreano para linawin ang isyu.

Subalit sa pagkakataon na may makasalubong na isang pinaghihinalaang apektado ng nCoV at nawalan ito ng malay, ano ang dapat gawin?

Payo ng Department of Health, una ay tumawag ng pulis.

“Kasi ang pulis nagro-roving sila eh. So after the pulis tatawag iyan sa pinakamalapit na local government hospital sa emergency room. Oh mayroon tayo ngayong emergency, magpadala kayo ng ambulance at pwede bang dalhin sa ER ngayon. Ang problema mo nga dahil unconscious hahantayin mo na manumbalik ang kaniyang malay tao at the usual mag-iinterview ka, ang ating assessment tool, iyon ang paiiralin natin. iyon ang gagamitin natin pero titignan mo muna kung merong symptoms, you have to be guarded,” ani Sec. Francisco Duque III, Department of Health.

(Bernard Dadis)

Tags: , , ,